Saturday, April 04, 2009

Parusahan si Chip Tsao!

Wow, pare, hanep! Ang galing talaga nating mga Pinoy, ano? Tingnan mo, napayuko natin ang mayabang na si Chip Tsao na iyan. Hmph! Tingnan niya ang napala niya. Buti nga sa kanya! Ngayon alam na niya: you don't mess around with Filipino pride!

Pero...parang kulang pa yata, ano?

Ano ba naman yung pinagsasabi niya, na tayo raw ay bayan ng mga tsimoy at tsimay? Aba! Ang kapal niya! May karapatan kaya siyang i-small-in ang ating mga kababayang nagtatrabaho bilang alalay sa ibang bansa? Hindi ba niya alam na halos $13-billion taon-taon ang pinapadala ng ating mga bagong bayani? Na ito ang nagpapalutang sa ekonomiya ng Pilipinas? Na kapalit nito ang pawis at luha ng mga kapatid nating kinukulong at ginagahasa at kung ano-ano pang hirap ang pinagdadanas sa Hong Kong, sa Singapore, sa Saudi, at sa Kuwait, na kapiranggot na tulong lamang na dulot ng ating pamahalaan?

Aba! Huwag na huwag niyang ipaalaala sa atin ang ating mga dalamhati! Wala siyang K!

Hindi yata alam ni Chip Tsao na mas matalino pa sa kanilang mga amo ang mga nagsisilbi bilang katulong nila. Hindi kaya niya nabasa ang labis na nakakatawang Blog ni Inday? Kadalasan, maraming nagtatrabaho bilang yaya sa Hong Kong mismo ay mga guro at mga principal dito sa atin. Marami pa nga raw ang merong Master's Degree! Akalain mo iyan? Saan pa sila kukuha ng kasingtalinong maglilinis ng kanilang silid? Sa Bangladesh? Sa Indonesia? Asa pa siya!

At hindi rin yata alam ni Chip Tsao ang nagdadamihang tanyag na Pinoy na kinahahangaan sa buong mundo. Kilala ba niya si Charice Pempengco, na naki-birit kasama si Celine Dion? Kilala ba niya si Nicole Scherzinger ng Pussycat Dolls? O si Batista, na star wrestler ng WWE? O di kaya ang sikat na fashion designer na si Boyet Fajardo? O ang financial genius na si Celso de los Angeles?

Walang-alam talaga itong walanghiya na si Chip Tsao!

Pero kahit na bobo itong si Chip Tsao, paano ba niya hindi makikilala ang banyag na People's Champ na si Manny Pacquiao! Naku! Mag-iingat ang Chip Tsao na iyan! Matapos matumba ni Manny si Ricky Hatton, si Chip Tsao ang dapat kasunod! At hindi lang iyan, pag naging senador si Manny sa 2010 (teka, meron naman sigurong halalan sa 2010, ano?). Pagtutulungan talaga si Chip Tsao nina Manny at Bong Revilla at Lito Lapid at Willy Revillame! Naku! mag-iingat talaga siya...you know? You know! Right, Chip Tsao?

Hay, nako, Chip Tsao. Ano nga ba ang nararapat sa iyo?

Kailangan lumuhod ka, Chip Tsao! Luhod! Luhod! Hindi mo ba kami kilala? Kung hindi ka luluhod, ipapakidnap ka namin sa Abu Sayyaff! Tingnan natin kung hindi ba hanggang langit ang pagsisi mo pag nakatatlong buwan ka su gubat ng Sulu, na pinagbabantaang pupugutin ang iyong ulo habang binobomba ng AFP.

Hay, nako, Chip Tsao, kung nandito ka lang sa Pilipinas, matagal ka nang tinodas ng DDS! O kung hindi man lang ay masasampahan ng libel case sa bayan ng Masiu! Huwag na huwag kang mag-akalang pumunta dito!

At hindi lang kay Chip Tsao. Oras na na ipahiwatig natin sa buong mundo na hindi tayo papayag na pintasan o pagtawanan ng sinumang banyaga! Wala silang karapatang batikusin ang ating kultura! Hindi maari! Hinding hindi! Taas-noo, taas-kilay, Pilipino!

Sa mga sino mang magkakamali... wala man tayong mga bapor na pwedeng gamiting panlusob sa kanila, hindi natin sila titigilang uusigin sa pamamaraan ng ating mga blog at mga forum at mga mailing list at mga kolumnista! At lalo pa sa Facebook! Ang ating mga senador ay maghahain ng diplomatic protest! Tayo ay hindi titigil sa rally sa kanilang embassy! Titigil sa trabaho ang ating mga OFW, at tingnan natin kung sinong mga mababaho ang makukuha nilang pampalit!

Mag-iingat sila! Otherwise, we will unleash the full force of our creative outburst!

5 comments:

  1. Huwaw! May kakaiba ka palang tinatago, Manong Dom! ;)

    ReplyDelete
  2. comment ala facebook: "I like!"

    ReplyDelete