Wednesday, October 12, 2011

Flash Fiction: Ang Boksingero

A horror flashfic I wrote for a contest. Wasn't accepted, unfortunately; but I still had fun developing the concept. Yeah, I'm sourgraping.

Mainit at nakakasilaw ang liwanag ng mga spotlight. Pero ang mga ito'y mala aninipot lamang sa paningin mong nakababad sa pawis. Ang kapaligiran mo'y umuugong sa atungal ng madla na sumisigaw sa iyong pangalan. Pero lahat ng ito ay balewala. Ang mahalaga ay ang kaharap mong sumasayaw, naka-angat ang mga kamaong nakabalot sa dalawang pulang boxing glove. Para kang nakaharap sa salamin: magkasingtangkad, magkasingtigas, magkasinglaman na purong bisig na walang nakahalong taba. Parang mga hayop na naghahanap ng kahinaang maaring mapagsamantalahan.

At iyon na nga! Panandaliang napababa ang kanyang kanang kamay! Sabay pasok mo ng left jab! Dumaplis sa kanyang bisig! Nakapasok! Sapol sa kanyang templo! Para siyang lasing na kumikimbot! Sa bigla at sa sakit ay napababa ang kanyang kaliwa, agad mong sinundan ng right hook: sapol sa kanyang panga!

Ngayong bukas na ang kanyang mga depensa, nakakaamoy ka na ng dugo. Tuloy-tuloy na! Left cross! Right hook! Uppercut! Parang machine gun ang tama ng iyong mga kamao sa kanyang katawan. Parang kasing tigas ng semento ang iyong sinusuntok. Alam mong bali na ang mga buko ng iyong daliri sa loob ng boxing glove mo, pero bira ka pa rin ng bira.

Knockout na ito! Knockout na!

Pero kahit anong lupaypay ng katawan ng kalaban, ayaw pa ring matumba. At bigla na lang tumunog ang bell na nagtatapos ng round.

Hinihila mo ang sarili mo patungo sa corner mo, saan naghihintay si Coach. Parang may pabigat na tanso ang iyong sapatos, walang lakas na nakabitay ang iyong mga braso sa iyong mga balikat. Di makapigil sa kanyang galak si Coach.

"Fantastic, Manny! You almost had him that time!"

Napalugmok ang katawan mo sa iyon upuan. Niluwa mo ang mouth guard, sabay pasok ng straw sa iyong bibig. Malahininga ang tubig at walang lasa. Minimasahe ni Coach ang iyong batok at ang iyong braso.

"Di ko na kaya, Coach!" Wala nang lakas ang iyong balikat.

"Don't give up, Manny! This is the match of your life! You have to win by knockout!"

"Di ko na talaga kaya!" Tumutulo ang luha sa iyong mga pisngi. Walang nakakakita, walang nakakadama kundi ikaw lamang: nakahalo ito sa iyong pawis.

"You're the champ, Manny! You're the People's Champ! You can do it!"

"Ayoko na! Parang awa niyo na! Please....please....please...."

Tumunog ang bell. Simula na ng panibagong round. Di mo alam saan nanggagaling ang iyong lakas. Labag sa kalooban mo, gaano mo pa man kokontrahin, parang may pwersang pumipilit sa iyong mga paa. Tindig ka na naman: lakad ulit patungo sa gitna ng ring, gayon pa man ang iyong kalaban na nakahanda na ulit.

Isang kabigha-bighaning dalagang halos walang suot ang umiikot sa ring, hawak pa-angat ang round card para makita ng lahat. Alam mo na kung anong round ito: kagaya ng dati, kagaya ng susunod, numerong di na aangat, di na bababa. Numerong magpakailanmang nakaukit sa round card.

At sa loudspeaker, dinig na dinig mo ang announcement:

"Round 666...Round 666...Round 666...."

Maya-maya, ang announcement na ito ay nalunod sa masigasig na sigaw ng madla.